Pinoy, maaaring makapangisda muli sa Scarborough
MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon sa Tuguegarao, Cagayan Valley na malapit na muling makapangisda ang mga Filipino sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal).
“We wait a few more days at baka makabalik na tayo sa Scarborough Shoal, ang pangingisda ng ating mga kababayan,” pahayag ng Pangulo.
Ipinakiusap naman ni Duterte sa mga mangingisda na huwag galawin ang breeding grounds ng mga isda upang hindi agad masaid ang mga marine resources doon.
“The cheapest we can buy is the marine products so it behooves upon us to really not to gamble and destroy the spawning grounds because then it would result in an imbalance in our food,” ayon sa Pangulo.
Ang China ay pagsasabihan din umano sa kanilang mangingisda. “’Yan ang pinag-usapan namin. Ewan ko kung tutuparin nila,” dagdag pa ni Duterte.
Iginiit ni Duterte na hindi niya isinusuko ang Panatag Shoal sa China pero hindi din dapat daanin ito sa takutan o panggigipit bagkus ay dapat sa pamamagitan ng mapayapang pakikipag-usap. Maraming beses naring inihayag ng Pangulo na hindi “mananalo” ang Pilipinas kung makikipaggiyera ito sa China dahil sa pag-aagawan ng Scarborough kahit nanalo ang Pilipinas sa kaso nito sa arbitral tribunal sa The Hague.
“Ang pagkaalam ko pinaalis na rin niya (Xi) iyong mga Chinese na fishermen para wala nang makita diyan. Iyon ang pinag-usapan namin,” sabi pa ni Duterte.
“Ang China ang sabi nila amin ‘yan. Sabi ko amin man din ‘yan,” wika pa ni Pangulong Duterte. “Ako na mismo ang nagsabi kung makabalik tayo sa Scarborough, bilang may-ari, sila rin naman nagsabi na [sila ang] may-ari, ako na mismo magsabi na huwag kayong mangisda diyan (inner lagoon),” giit pa ni Duterte.
“Wala po kaming pinag-usapang armas, wala kaming pinag-usapang giyera giyera. Pinag-usapan namin paano tayo magtutulungan. We will just wait for a few more days, baka makabalik na tayo doon sa Scarborough shoal, sa pangingisda ng ating mga kababayan,” ani niya.
Una nang sinabi ng Pangulo na isa sa mga isyu na kanilang pinag-usapan ng Chinese authorities ay ang isyu sa Scarborough Shoal subalit ipinauubaya na niya sa China ang susunod na mga hakbang na kanilang gagawin patungkol sa mga mangingisdang Pinoy.
Magugunita na tahasang inihayag ng Pangulo na hindi “mananalo” ang Pilipinas kung makikipaggiyera ito sa China dahil sa pag-aagawan ng teritoryo sa kabila ng pagka-panalo ng Pilipinas sa kaso nito sa arbitral tribunal sa The Hague. Sa kabila nito, iginiit ng Pangulo na palalakasin ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa nasabing bansa.
Pinoy, maaaring makapangisda muli sa Scarborough
Reviewed by Jhon
on
11:26
Rating:
No comments: